Isinulat ng The Bold Italic
Nang mismong araw na nakuha ni Steven Welch ang kanyang lisensya sa pagmamaneho, nagmaneho siya para kumuha ng labi para sa punerarya ng kanyang pamilya, ang Duggan’s Funeral Service sa 17th Street. Siya ay 17 taong gulang noon.
Makalipas ang mahigit 40 taon, siya na ang haligi ng negosyong ito na nagpasalin-salin sa iba't ibang henerasyon. Malaki na ang nagbago mula noong mga panahong iyon; mas marami na ang cremation kaysa sa direktang libing sa buong bansa, at hindi na nais ng mga tao ang burol na tumatagal ng maraming araw, aniya. Ngayon, "nais nila itong maikli at kumbinyente."
Mahigit sa isang dosenang punerarya ang nakalinya sa Valencia Street sa halos kabuuan ng ika-20 Siglo. Noong panahong iyon, mga streetcar para sa libing at isang lokal na riles ang naghahatid sa mga yumao at sa kanilang mga nagdadalamhating kaanak patungo sa mga sementeryo sa Colma. Ngayon, dalawa na lamang ang natitira: ang Duggan’s Funeral Service, na lumipat mula 1234 Valencia St. patungong 3434 17th St. noong 1932, at ang Driscoll’s Valencia Street Serra Mortuary, malapit sa Cesar Chavez St.
Kasabay ng lahat ng pagbabago sa Valencia nitong mga nakalipas na dekada — mga restaurant, mga mamahaling tindahan, mga bike lane, mga nakadobleng paradang Uber — sinabi ni Welch na ang paglipat mula sa Valencia ang isang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa rin ang Duggan’s.
“Saan mo naman ilalagay ang karo sa Valencia?” nagtatakang tanong niya.
Sa loob ng Duggan's, taimtim at tahimik ang kapaligiran; tila milya-milya ang layo ng trapiko at ingay ng Valencia Street. Masusing inihahanda ang mga silid para sa susunod na viewing o libing, ang isang kapilya ay naglalaman ng mga hanay ng mga bakanteng bangko at isang podium kung saan ilalagay ang urn ng isang yumao. May mga pinto ang bawat kapilya upang maisara ang silid, na nagbibigay sa mga nagdadalamhati ng lugar at pribadong espasyo para magluksa.